Tungkol sa Department of the Treasury

Tungkol sa Department of the Treasury

 

Misyon

Mapanatili ang malakas na ekonomiya at lumikha ng mga pagkakataong ekonomikal at pagkakataon sa trabaho sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mga kundisyong nagdadala ng pag-unlad at pagpapatibay ng ekonomiya sa tahanan at sa ibang bansa, mapalakas ang pambansang seguridad sa pamamagitan ng pakikipaglaban sa mga banta at pagprotekta sa integridad ng sistemang pinansyal, at epektibong mapamahalaan ang mga pananalapi at pinagkukunan ng Gobyerno ng U.S.

 

Ang Treasury Department ang ehekutibo na ahensya na may tungkuling itaguyod ang pang-ekonomiyang kaunlaran at tiyakin ang pinansyal na seguridad ng Estados Unidos. Maraming mga gawain ang pinamamahalaan ng Departamento gaya ng pagbibigay ng payo sa Presidente sa mga isyung pang-ekonomiya at pinansyal, paghihikayat sa pagpapanatili ng pag-unlad na pang-ekonomiya, at paglilinang sa pinabuting pamamahala sa mga institusyong pinansyal. Pinapatakbo at pinapanatili ng Department of the Treasury ang mga sistema  na mahalaga sa imprastrukturang pinansyal ng bansa, gaya ng produksyon ng barya at salapi, pag-disemburse ng mga kabayaran sa publiko ng Amerika, pagkolekta ng nalikom na buwis, at paghiram ng mga kinakailangang pondo upang mapatakbo ang pederal na gobyerno. Nagtatrabaho ang Departamento katuwang ng ibang mga pederal na ahensya, banyagang gobyerno, at internasyonal na institusyong pampinansyal upang hikayatin ang pandaigdigang pag-unlad ng ekonomiya, itaas ang pamantayan ng pamumuhay, at sa abot ng makakaya, tantyahin at iwasan ang mga krisis na pang-ekonomiya at pampinansyal. Ginagampanan rin ng Treasury Department ang isang mahalaga at malawakang tungkulin sa pagpapahusay ng pambansang seguridad sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng mga ekonomikal na parusa laban sa mga banyagang banta sa U.S., pagtutukoy at pagta-target sa mga pinansyal na support network ng mga banta sa pambansang seguridad, at pagpapahusay sa mga nagbabantay sa ating mga sistemang pinansyal.

 

Organisasyon

Nahahati ang Department of the Treasury sa dalawang pangunahing bahagi, ang mga opisina ng Departamento at ang mga operating bureau.  Pangunahing tungkulin ng mga Opisina ng Departamento ang pagbuo ng mga patakaran at pamamahala sa Departamento sa kabuuan, habang isinasagawa naman ng mga operating bureau ang mga partikular na operasyong itinalaga sa Departamento. Binubuo ang aming mga bureau ng 98% ng puwersang manggagawa ng Treasury. Kabilang sa mga pangunahing tungkulin ng Department of the Treasury ay ang:

  • Pamamahala sa mga Pederal na pananalapi;
  • Pagkolekta ng mga buwis, duty at perang ibinayad sa at ibabayad sa U.S. at pagbayad ng lahat ng mga singilin ng U.S.;
  • Salapi at barya;
  • Pamamahala ng pananalapi ng Gobyerno at ng pampublikong utang;
  • Pamamahala sa mga pambansang bangko at institusyong pag-iimpok;
  • Pagbibigay ng payo tungkol sa mga lokal at internasyonal na patakarang pinansyal, pansalapi, pang-ekomoniya, pangkalakal at pambuwis;
  • Pagpapatupad ng mga Pederal na batas sa pananalapi at buwis;
  • Pagsisiyasat at pagbibigay ng parusa sa mga umiiwas sa buwis, namemeke ng pera, at nanghuhuwad.